Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na ang magkasintahang influencer na sina Yexel Sebastian at Mikee Agustin ay nagpunta sa Japan sa gitna ng mga alegasyon na sila ay sangkot sa P200-M scam na nambiktima ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pagdinig ng Senado, isiniwalat ni BI Commissioner Norman Tansigco na umalis ng bansa sina Sebastian at Agustin. Nakasakay sila sa isang flight patungong Nagoya, Japan, noong Oktubre 9, 2023.
Ayon sa Buruea of Immigration, walang dahilan para pigilan nila ang dalawa sa kanilang flight dahil wala namang hold departure order laban sa mga ito.
Samantala inihayag naman ni Sen. Raffy Tulfo ang kanyang pagkadismaya sa BI dahil malayang nakabiyahe ang magkasintahan sa kabila ng mga akusasyon laban sa kanila.
Matatandaan na nauna nang nakarating sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo sa RTIA ang mga reklamo laban sa dalawang influencers.
“Hindi ko alam kung ito’y tumatakas na o baka pumunta sa Nagoya para mag-recruit na naman ng investors. Is there any way na mapigilan? Ewan ko lang sa Immigration. Meron naman palang balita na kalat na kalat na na ito ay marami na nai-scam.”
Ayon naman sa Department of Justice (DOJ), maaari lamang umano silang maglabas ng lookout bulletin laban sa dalawa, dahil kinokonsidera pa rin nila ang freedom to travel ng mgs social media influencers.
Hanggang ngayon ay hindi pa nasisigurado kung may nakapagfile na ba ng complaint laban kina Yexel Sebastian at Mikee San Agustin.