Hindi naitago ng ilang mga netizens ang kanilang pagkadismaya matapos nilang makita ang Philippine National Artist for film na si Ricky Lee na inilalayo ng security guard mula kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Sa isang video na kuha sa mula Manila International Book Fair sa Pasay City noong September 14, 2023, makikita na sinusubukang abutin ni Ricky Lee ang kamay ni Pia, ngunit isa sa mga security personnel ng beauty queen ang nakitang sinusubukang harangin ang national artist.
Sa isang panayam, nagbigay ng pahayag si Ricky Lee tungkol sa nasabing insidente. Ayon sa kanya na dapat ay mas maging magalang ang guwardiya sa mga taong sumusubok na makalapit kay Pia.
“Hindi kinakailangan na senior or hindi kinakailangang National Artist. Pero kung may taong nilapitan din ni Pia, kinamayan pa ni Pia, respetuhin niya [guard] yung tao at si Pia, kasi kilala ni Pia,” saad ni Ricky.
“Pero hindi niya kailangang hawiin kasi si Pia mismo ang lumapit at nakipag-usap. So, kawalang respeto yon hindi lang sa akin kundi kay Pia. Hindi in-acknowledge ng guard na in-acknowledge ako ni Pia,” dagdag pa niya.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Ricky Lee na hindi umano niya namalayan na una na pala siyang dinidisrespect ng guard hanggang sa ipinakita na nito ang video.
“Maging makatao sana lalo na sa isang book fair. Hindi lang siya kung saan, book fair siya.”
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang security agency ni Pia Wurtzbach.