Nagpupuyos sa galit ang mga netizen kay Rendon Labador dahil sa kanyang pagtataray at pagduro sa isang babae sa Coron, Palawan. Sa isang video na ngayon ay viral na, kitang-kita ang matinding galit ni Rendon sa babae habang kasama niya si Rosmar.
Sa video, maririnig si Rendon na nagsasabing, "Pumunta kami dito para tumulong at i-promote yung Coron, kapal naman ng mukha mo tumutulong na kami. Sino ba pinagmamalaki nito? Bakit pinapayagan nyo yung mga gantong staff ng munisipyo?" habang tinuturo niya ang babae.
Paulit-ulit ding binanggit ng grupo nina Rendon at Rosmar na layunin nilang i-promote ang turismo sa lugar. Hindi pa rin tiyak kung ano ang pinagmulan ng kanilang matinding galit sa nasabing babae.
Naglabas na ng pampublikong paghingi ng paumanhin ang staff ng munisipyo ng Coron, Palawan na inirereklamo nina Rosmar at Rendon. Bukod dito, mayroon ding balak ang munisipyo na magpasa ng resolusyon na magdedeklara kina Rendon Labador at Rosemarie Tan Pamulaklakin, na kilala rin bilang Rosmar, bilang mga persona non-grata sa Coron dahil sa kanilang ginawang pambabastos sa staff na si Jho Cayabyab Trinidad.