Sa kabila ng pagkakaban sa Facebook, TikTok at iba pang social media platforms, muling sumawsaw sa isyu ni Joey De Leon ang self-proclaimed motivational speaker na si Rendon Labador.
Sa kanyang Instagram account, ipinahayag ni Rendon Labador ang kanyang reaksyon sa panibagong isyu na kinakasangkutan ngayon ni Joey De Leon sa isang segment ng E.A.T kung saan ipinahayag nito ang 'lubid' joke.
Pinuna rin niya ang tagahanga ni Vice Ganda na nag private message sa kanya para bigyan niya ng reaksyon ang ginawa ni Joey De Leon sa E.A.T.
"Ako ang nag-iisang tao dito sa Pilipinas na nagsasabi ng katotohanan para maitama ang mga mali, galit pa kayo sa akin. Sino na ngayon ang may lakas ng loob na pumuna sa mga yan," saad ni Rendon Labador.
Nagbigay din siya ng mensahe para kay Joey De Leon kung saan sinabi niyang dapat itong magpasalamat dahil nakaban siya sa Facebook.
"Joey, pasalamat ka wala na ako sa Facebook. Nakalusot ka ngayon."
Sa kabilang banda, patuloy naman ang imbistigasyon ng MTRCB hinggil sa 'lubid' joke ni Joey De Leon. Nangangako naman ang MTRCB na magiging patas sila sa pagbibigay ng desisyon sa mangyayari sa E.A.T.
Gayunpaman, naniniwala ang ilang mga netizens na hindi magiging patas ang MTRCB dahil sa koneksyon ng MTRCB Chairperson Lala Sotto sa pangunahing host ng E.A.T na si Tito Sotto.

