Matapos ang limang taong pagsasama, kinumpirma ni Maris Racal na naghiwalay na sila ng kanyang kasintahang si Rico Blanco. Ang balitang ito ay unang lumabas sa isang ulat ng ABS-CBN News noong Biyernes, Hulyo 12. Sa nasabing petsa, ginanap ang isang press conference kung saan inanunsyo ni Maris ang tungkol sa kanilang paghihiwalay.
Noong Pebrero, buong suporta pa si Maris kay Rico sa reunion concert ng bandang Rivermaya, kung saan dating miyembro si Rico. Sa isang panayam noong 2021 kay Cristy Fermin, isang kilalang showbiz columnist, inihayag ni Rico na itinuturing niyang "soulmate" si Maris.
Sa press conference, nagbigay si Maris ng ilang detalye tungkol sa dahilan ng kanilang paghihiwalay. Aniya, bagamat sa loob ng ilang taon ay nasa iisang "pahina" sila ni Rico, nagbago ang kanyang pananaw sa buhay. "We were always on the same page. Always on the same page. But I don’t know what happened to me. Maybe I turned to the next page and saw a new perspective sa life," pahayag ni Maris. Idinagdag pa niya na marami siyang pangarap at tanong sa buhay na nais niyang tuklasin. "I had visions of who I wanted to become; how I wanted to evolve. I’m so curious about the world. The truth is I’m going through changes," aniya.
Ipinaliwanag din ni Maris na ang pagbabago ay hindi maiiwasan at kailangang harapin. "But what I hate about changes is that they are inevitable. Hindi mo siya matatakasan. And wala ka nang gagawin kundi to face it and confront it." Kaya naman, napagdesisyunan niyang kausapin si Rico tungkol sa mga isyung ito. Inamin niya na mahirap ang kanilang naging pag-uusap dahil mahal nila ang isa't isa, ngunit kinakailangan niyang magtanong at mag-explore sa iba't ibang aspeto ng kanyang buhay. "It was a very difficult talk ‘cause I love him so much and he loves me but I have so many questions in life," sabi ni Maris.
Agad ding nilinaw ni Maris na walang kinalaman ang kanyang ka-love team na si Anthony Jennings sa kanilang paghihiwalay. "Anthony is out of the picture. It's just mainly me and Rico. Mainly me, I'm the issue," paglilinaw niya.
Ipinahayag ni Maris na ito na ang huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa kanilang paghihiwalay at umapela siya sa publiko na respetuhin at unawain ang kanilang pinagdadaanan. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag o reaksyon mula kay Rico Blanco hinggil sa nasabing balita.