Naghain na ng counter affidavit ang kilalang showbiz insider na si Ogie Diaz laban sa tatlong magkakahiwalay na reklamong cyber libel na isinampa laban sa kaniya ng Kapuso actress na si Bea Alonzo.
Sa isang press statement, ipinahayag ng abogado ni Ogie Diaz na si Regie Tongol na nagsampa naman ng counter-charge na perjury si Ogie Diaz laban kay Bea Alonzo sa Regional Trial Court sa Quezon City noong Martes. Ayon kay Atty. Tongol, hindi naging malinaw ang pahayag ni Bea Alonzo sa pagbibigay ng mga pangalan kung sino-sino ang nagsasabi ng mga defamatory charges at lahat ng ito ay ibinintang kay Ogie Diaz.
"In our seventy-page (70) Counter-Affidavit, we called out the Complainant by not clearly stating in her sixteen-page (16) Complaint-Affidavit the specific individuals who uttered the specific defamatory statements making it appear it was all Mr. Diaz who made them,” pahayag ni Atty. Tongol.
Inilahad rin ng abogado na hindi malinaw at convincing ang proof nina Bea Alonzo patungkol sa pagkakaroon ng actual malice sa mga isiniwalat na pahayag ng kanyang kliyente. "They even failed to show clear and convincing proof of ‘actual malice’ whether in the form of ‘reckless disregard for the truth’ or ill-motive which is a legal requirement and standard if the Complainant is a public figure,” dagdag pa ni Tongol.
Noong nakaraang Mayo, sinampahan ni Bea Alonzo ng tatlong magkakahiwalay na reklamong cyber libel sa Quezon City Prosecutors Office sina Ogie Diaz at Cristy Fermin, kasama ang kanilang mga co-hosts sa kanilang online program na umano'y gumagawa ng mga malisyosong pahayag laban sa kanya. Agad namang tumugon si Ogie Diaz tungkol sa reklamo at sinabing haharapin niya ito sa tamang panahon.
"Tulad ng lagi naming hinihirit sa ‘Ogie Diaz Showbiz Update,’ sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending," pahayag ni Ogie Diaz, na tumutukoy sa dating fiancé ni Bea Alonzo na si Dominic Roque.